Kagabi lang, 05 ng June 2011, habang nag-iinternet ako, may nag text sa akin, kapatid ko si Rommel, ang sabi patay na raw si Sis. Linda Abalayan. Nagulat ako, dahil wala naman akong alam na sakit ang matanda. Hindi pa ako na kuntento, na post ako sa wall ni Ate Gigi sa Facebook kung confirm ba ang balita na ito. Dumaan ang magdamag hanggang buksan ko ang aking Facebook account at doon sinabi niya na confirm ang balita.
Hindi ko malaman kung paano ko siya ilalarawan, pero ang alam ko ang dapat kong maalala sa kanya. Masungit na babae ang elder na ito ng simbahan ng San Bartolome, ang parokyang aking pinagsilbihan sa matagal din na panahon. Di naman matangkad, di naman panda, maputi, medyo mataba, singkit ang mata, guhitang kilay, kulay mais ang buhok dahil sa pinakukulayan niya ito. Bihira kong makitang hindi naka damit na maayos, kung hindi lang mag lilinis ng simbahan. Deboto ng Mahal na Senor Nazareno at minsan ring naging presidente ng samahang ito. Di ko siya lubos na kilala, naririnig ko lamang ang kanyang pangalan sa mga mass intention sa simbahan lalo na tuwing Biyernes, ang misa para sa Mahal na Senor Nazareno. Ngunit sa isang pagkakataon nakausap ko siya, galit na galit na di ko alam kung ano ang pinagmulan ng kanyang pagkayamot noong araw na iyon. Mayroon daw siyang nakasagutan, at doon nagsimula siyang magkwento hanggang kaya niya. Sa huli, ipinaliwanag ko rin kung ano ang nangyari sa kanilang pag-uusap at parang sa tingin ko ay naintindihan niya. Mula noon pag may nakasagutan siya sa parokya at nagkataong nandoon ako, ako ang hingaan niya ng sama ng loob. Hindi ko rin malimutan ang kabutihan ng loob niya, ng minsan kapusin ako ng pera para sa review class, humingi ako ng tulong sa samahan. Nanliliit man sa kahihiyan, ginawa ko pa rin ang dapat kong gawin. Binigyan ako ng samahan, bukod sa kanya na malaking halaga ang ibinigay niya. Wala siyang condition at wala siyang hiningi sa akin kundi ang ipasa ko ang board. Sa awa ng Diyos ipinasa ko naman ang LET Exam at buong pagmamayabang kong sinabi na pumasa na ako at kaisa ka sa tagumpay ko. Ngumiti lang siya at hinampas ako sa balikat at sinabing ikaw talaga.
Taong 2003 ng di na ako umuuwi sa Tugatog, dumalang na ang aking pagpunta sa parokya, pero patuloy pa rin siyang naglingkod dito. Tuwing Mahal na Araw, Pasko o di kaya'y fiesta ng Senor Nazareno doon ko siya nakikita. Pagdarating ang karosa ng Santa Marta na aming inaalagaan, siya ang unang pupuri, kahit na ang gayak lamang nito ay mga paper roses. Dumalang at dumalang hanggang sa halos hindi na kami nagkita. Nasilayan ko na lang siya sa taong ito, 2011 noong Fiesta ng Nazareno. Siya ang nadala ng tres potencias ng Nazareno. Noong pupuntahan ko na sila para batiin, nakaalis na. Na miss ko ang opportunity. At ngayon nakita ko na siya, ang kanyang labi, nandoon pa rin ang maaliwalas na mukha, pusteryosang pananamit, ang guhitang kilay, subalit ng bumati ako sa kanya, hindi na siya sumagot, doon na ako naluha at nasabi sa sarili kong talagang wala na siya. Pero di ako nangangamba, dahil alam ko na sinamahan siya ng Mahal na Birhen tungo sa kanyang Anak na si Hesus dahil siya ay pumanaw sa unang Sabado ng Buwan, tulad ng mamatay si Cory Aquino.
Sana Tita Inday, ngayon kasama mo na ang Nazareno, ipanalangin mo kaming lagi, at magtaray ka kung kailangan para matutunan namin kung tama o mali ang aming mga desisyon sa buhay.
Paalam Tita Inday