Monday, January 24, 2011

Second Time to Witnessed a Couple Celebrating Golden Wedding Anniversary

Boda de Oro!?! Ano ito? Wala ako talagang idea kung ano ito noong una. Pero dumalo ako ng minsan, masyado pa akong bata noong panahon na ito, subalit ng dumating ang mag-asawang may edad na naka pang kasal, naintindihan ko na ang lahat. Kumpleto ang pamilya, mula sa anak, apo at mga apo sa tuhod.

Ika 22 ng Enero, 2011 ito ang pangalawang beses ko na nakadalo ng Boda de Oro at sa pagkakataong ito, kami ay naging bahagi ng paghahanda ng pamilya na maituturing na masayang kabanata sa buhay nila.  Sinimulan namin ang paghahanda sa paggagayak ng simbahan.  Biyernes pa lamang kahit na umuulan, sugod kami sa pagbili ng bulaklak sa Dangwa. Hindi ganoon ka dami ang mga bulaklak pero nakikita ko na maganda ang kalalabasan ng aming paggagayak. 

Kinabukasan, maagang maaga pa lamang sinimulan na namin ang paggagayak.  Dahil sa dami naming gumawa maaga namin natapos ito.  Sumunod naman na ginawa ko, ay ang paghanap ng naaangkop na musika para sa mag asawa. Kinuha ko ang Canon ni Pachelbel para sa marcha, at ang gusto ng ikakasal ang classic na Ikaw mas pinili ko ang version ni Sharon Cuneta kaysa kay Regine Velasquez, at iyong Kahit Maputi na ang Buhok Ko.

Matapos kong ma convert ang mga files sa MP3 format.  Tumuloy na ako sa chapel namin.  Marami rami na rin ang tao sa loob at makikita mo sa mukha nila ang kasiyahan sa kanilang masasaksihan na pagsasariwa ng kanilang sinumpaan limampung taon na ang nakakaraan.  Eksaktong alas 4 ng hapon pinatugtog ko ang Canon at nagsimulang magmarcha ang mga kumare ng ikasala bilang witness at sumunod ang mga apo at anak bilang mga abay.  Tulad ng mga nakagawian at nakikita namin bumukas ang pinto ng chapel na naroroon ang ikakasal na babae.  Suot niya ang isang dilaw na terno na puno ng sequins at nakataas ang buhok na mayroong ilang rosas na humahawak nito.  Maririnig mo na ang awit na Ikaw sa buong paligid, subalit ayaw lumakad ng bride, ano kaya ang dahilan kung bakit siya natitigilan sa paglakad.  Alanganin namang magbago pang isip niya, inatake sa puso, kinabahan.  Ang dahilan pala ay ayaw pala niyang lumakad ng walang maghahatid sa kanya sa altar, kaya napilitang si Doc na ihatid ang bride sa kanyang asawa.

Naging mataimtim ang pagsasariwa ng kasal sa pangunguna ni Fr. Manny.  Ng matapos ang seremonyas at tumugtog ang Kahit Maputi... hindi ko inaasahan ang naging pagtugon ng mga tao sa loob ng kapilya.  Pumalakpak ang lahat at sumabay sa awit. Talagang nakakatuwa ang kasalang ito hanggang sa pag labas ng kapilya at hagisan ng talulot ng mga rosas ang bagong kasal.